Caruana bigo sa bronze medal match

MANILA, Philippines — Ibinigay na ni Pinoy karateka Carl Caruana ang lahat ng kanyang makakaya, ngunit hindi pa rin ito sapat para maibigay sa Pilipinas ang tansong medalya.
Nakatikim si Caruana ng isang 1-9 kabiguan sa mas matangkad na si Levon Shaishian ng WKF-1 sa kanilang bronze medal match sa junior kumite male +76 kilogram division sa Day 3 ng Karate One-Youth League na inihahandog ng Philippine Sports Commission kahapon sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.
“Mataas talaga ‘yung kalaban kaya mahirap tamaan. Pero proud pa rin ako na nakaabot ako dito (bronze medal round),” sabi ng 5-foot-6 karateka na tubong North Cotabato.
Talo rin si Ysabella Arwen Varias kay Momanu Alexandra ng Romania, 0-4, sa cadet kumite female -61kg category sa kanilang agawan para sa tansong medalya sa torneong suportado ng SM Group of Companies at ng Philippine Olympic Committee.
“Medyo kinabahan po ako sa laban sa bronze at hindi ko nagawa ‘yung dapat kong gawin katulad ng sa first match laban sa Russian at laban sa Romanian,” wika ng 15-anyos na incoming Grade 10 student sa Paco Catholic School sa Manila City.
Nauna na ring naglaro si Varias sa kata (forms) kung saan bigo siyang makasungkit ng medalya sa event na itinataguyod din ng Lanson’s Place, Citadines Bay City Manila at Milo.
Opisyal na magsasara ang event na may basbas ng World Karate Federation at inorganisa ng Karate Pilipinas Sports Federation Inc. ngayong araw.
Dadalo si PSC chairman Patrick “Pato” Gregorio bilang special guest.
- Latest















