Canino, La Salle lumapit sa titulo

MANILA, Philippines — Ipinaramdam agad ng na De La Salle University ang kanilang bangis matapos nilang payukuin ang defending champion National University, 25-23, 25-18, 25-18 sa Game 1 ng UAAP Season 88 collegiate women’s volleyball best-of-three finals na nilaro sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City kahapon.
Napalaban ng todo ang Lady Spikers sa unang set kung saan ay hinabol nila ang five-point lead, 14-19 ng Lady Bulldogs bago nakuha ang panalo.
Naging susi ng La Salle sa kanilang panalo sa unang set ang maiinit na laro nina Amie Provido, Shane Reterta, Lilay del Castillo at Canino.
Sa second frame ay nakitaan ang last year’s runner-up ng determinasyon sa pamumuno ni Angel Canino matapos dominahin ang NU para ilista ang 2-0 set bentahe.
Muling ipinakita ng last year’s runner-up ang kanilang tikas sa third frame, naunahan sila ng bahagya sa kaagahan ng labanan pero hindi nasira ang diskarte ng DLSU, humabol para tapusin ang laro at mamuro sa pagsilo ng korona.
May tsansa sanang makahirit ng fourth set ang Lady Bulldogs matapos nilang hawakan ang 4-0 lead sa third frame, pero hindi nila kinaya ang nagliliyab na performance ng Lady Spikers kaya nawalis sila sa tatlong sets.
Nagtala si Canino ng 17 points mula sa 15 kills at tig-isang block at service ace para sa La Salle na pakay sikwatin ang pang 13th championship sa Sabado ng alas-5 ng hapon sa parehong venue.
Tumikada si Provido ng 12 markers kasama ang pitong spikes, apat na blocks at isang service ace habang tig-11 ang binakas nina team captain Shevana Laput at Mary Shane Reterta para sa La Salle.
Nagtala naman si Arah Ella Panique ng 18 points pero hindi sapat para itaguyod sa panalo ang three-peat seeking NU.
- Latest
















