Ika-2 sunod na stage win ni Anisimov

TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines — Inangkin ni Ivan Anisimov ng LCW UAE Cycle ang ikalawang sunod niyang stage win sa MPTC Tour of Luzon 2026 nang maghari sa Stage Five 126.7 kilometer kahapon dito sa Tuguegarao City City Hall, Cagayan.
Pumadyak ang Russian cyclist ng tiyempong dalawang oras, 47 minuto at 25 segundo sa isang mass sprint sa yugtong binitawan sa Santiago City, Isabela.
“Winning the stage again feels amazing for me,” ani Anisimov na bumandera sa Stage Four 165.80kms na pinakawalan sa Palayan City, Nueva Ecija at nagtapos sa Bayombong, Nueva Vizcaya.
Nakakolekta ang LCW UAE Cycle rider ng 15 bonus points para ungusan sina second placer Ryan Tugawin ng Excellent Noodles Cycling Team at third finisher Lee Jung Hoon ng Seoul Cycling Team na may parehong oras na 2:47:25 sa 1,821.1-kilometer, 14-stage race na inihahandog ng Philippine Sports Commission katuwang ang Philippine Olympic Committee at PhilCycling.
Si Ean Cajucom ng Victoria Sports Pro Cycling ang unang back-to-back stage winner sa eight-stage ng 2025 MPTC Tour of Luzon matapos manalo sa Stages 3 at 4.
Patuloy namang isinusuot ni LCW UAE Cycle teammate Nikita Shulchenko ang yellow jersey sa kanyang paghakot ng 13:46:45 para banderahan ang Individual General Classification.
Nasa unahan pa rin ang Go for Gold sa Team General Classification sa kanilang oras na 56:15:28.
Samantala, pakakawalan ngayong umaga ang Stage Six 223.7-km race.
- Latest
















