Lady Falcons tumibay kapit sa Final Four
MANILA, Philippines — Tumibay ang kapit Adamson University sa magic four matapos nilang dagitin ang 27-25, 25-20, 26-24 panalo laban sa University of Sto. Tomas sa UAAP Season 88 collegiate women’s volleyball tournament na nilaro sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan kahapon.
Umakyat sa No. 3 spot ang Lady Falcons, kasalo nila ang biniktimang Golden Tigresses tangan ang tig-7-5 karta, kailangan nilang magpanalo sa natitirang mga laro upang manatili sila sa top four na siyang maglalaro sa semifinals.
Bagama’t nawalis sa tatlong sets ay hindi naging madali para sa Adamson na masungkit ang importanteng panalo, napalaban sila ng todo lalo na sa first at third frames kung saan ay nagkaroon ng extended sets.
Nagsanib puwersa sa opensa sina Shaina Marie Nitura at Nigerian wing spiker Frances Mordi para akbayan ang Lady Falcons sa mahirap na panalo.
Naging susi rin sa tagumpay ng Adamson ang magandang pamamahagi ng bola ni rising playmaker Fhei Sagaysay lalo na sa krusyal set 3 game.
Pinamunuan ni Nitura ang puntusan para sa Lady Falcons sa nirehistrong 19 points mula sa 18 kills at isang block habang nagtala si Mordi ng 18 puntos kasama ang 17 spikes at isang service ace.
Sa unang laro, nagwagi naman ang La Salle sa Ateneo, 25-13, 25-12, 25-18, upang manatiling malinis ang karta sa 12 laro.
- Latest















