Knights sumulong sa semis
MANILA, Philippines — Umusad sa Final Four ang Letran matapos kalusin ang Mapua University, 86-75, sa quarterfinals ng NCAA Season 102 men’s basketball tournament kahapon sa FilOil EcoOil Arena sa San Juan City.
Tinuldukan ng Knights ang pag-asa ng Cardinals na makasungkit ng kampeonato ngayong season, ito’y dahil sa matikas na lalo ni rookie Justin Cargo.
Tumikada si Cargo ng 19 points para akbayan ang Intramuros-based squad na humakbang sa semifinals kung saan ay haharapin nila ang Jose Rizal University sa isang best-of-three series.
Tinalo ng Heavy Bombers ang Arellano Chiefs noong Lunes upang masungkit ang kanilang tiket patungong semis.
“Malaking challenge ito sa amin kasi kapag natalo kami dito, parang kami pa magiging dehado sa next game,” ani Cargo. “Sabi sa amin ng mga coaches namin, do-or-die na itong laban kaya ibuhos na dapat namin lahat ng makakaya namin.”
Matapos kunin ang first period, 23-22, umarangkada ang Knights sa second quarter para sa 50-36 halftime lead.
Naibaba ito ng Cardinals sa 71-75 sa 4:32 minuto sa payoff period.
Ngunit kumana sina Denzil Walker at Aaron Buensalida para ilayong muli ang Letran sa 79-71.
- Latest















