Flying Titans target semifinals berth

MANILA, Philippines — Ang ikalawang sunod na panalo para masambot ang ikatlong semifinals ticket ang hangad ng Choco Mucho sa pagsagupa sa PLDT sa 2026 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference Siklab Series.
Lalabanan ng Flying Titans ang High Speed Hitters ngayong alas-6 ng gabi, habang sa ala-1 ng hapon magkikita ang parehong talsik nang Capital1 Solar Spikers at Galeries Tower Highrisers sa MOA Arena sa Pasay City.
Pasok na sa semifinals ang Nxled (7-0) at Farm Fresh (5-2) at ang dalawang natitirang tiket ang paglalabanan ng Creamline (4-3) PLDT (4-3) at Choco Mucho (4-3).
Sibak naman ang Akari (3-5), ZUS Coffee (2-5), Capital1 (2-5) at Galeries Tower (2-5).
Nagmula ang Flying Titans sa 23-25, 25-13, 25-23, 22-25, 15-13 pag-eskapo sa Cool Smashers sa huli nilang laban para tumutok sa semis patungo sa finals.
“Well, I think iyon naman talaga ‘yung tinitingnan natin in the long run na makabalik kami sa finals. Pero iyon, I think mag-one game at the time muna kami. Hindi muna kami mag-reach far,” sabi ni Maddie Madayag sa Choco Mucho.
Makakatulong ni Madayag sina Eya Laure, Sisi Rondina-Rosales, Caitlyn Viray, Kat Tolentino, Jewel Encarnacion, setter Alina Bicar at libero Dawin Catindig.
Umiskor din ng panalo ang High Speed Hitters matapos talunin ang Highrisers, 25-13, 25-23, 23-25, 25-18.
“If we’re all on the same page, if we’re all ready to compete, I feel like we can give anyone a hard time,” ani Fil-Canadian Savi Davison sa PLDT na makakatuwang sina Kim Kianna Dy, Majoy Baron, Mika Reyes, Alleiah Malaluan, Dell Palomata, setter Kim Fajardo at libero Kath Arado.
Sa tournament format, ang top four teams matapos ang single round-robin elimination ang papasok sa semifinals kung saan ang top two squads ang bibigyan ng ‘twice-to-beat’ bonus kontra sa No. 3 at No. 4 seeds.
Ang championship round ay isang best-of-three series.
- Latest















