4 ginto isinulong ng para chess team
MANILA, Philippines — Apat na gintong medalya ang nasungkit ng national para chess team upang palakasin ang kapit ng Pilipinas sa pang-apat na puwesto sa overall medal tally sa ginaganap na 13th ASEAN Para Games sa Nakhon Ratchasima sa Thailand.
Pinangunahan nina FIDE Master Sander Severino at Darry Bernardo ang ratsada ng tropa sa paghakot ng apat na ginto, dalawang pilak at apat na tanso sa pagtatapos ng tatlong araw na Standard Time Control na labanan sa Rajabhat University.
Nagkampeon si Severino, ang dating world champion, sa Individual PI Men para sa una nitong ginto bago tinulungan sina Jasper Rom at Henry Roger Lopez na manalo sa Team PI Men.
Inirehistro ng 40-anyos na si Severino ang kabuuang 5.5 puntos para sa gintong medalya, habang nakuha ni Rom ang pilak.
Kumalawit din ng dalawa si Lopez para sa ginto sa team event ng PI men’s category.
May kabuuang siyam na gold medal, isang silver at dalawang bronze si Severino sa ASEAN Para Games.
Nagpakitang gilas din si Bernardo para muling iuwi ang gintong medalya sa B2 Men’s division.
At tinulungan sina Arman Subaste at Menandro Redor upang makuha ang isa pang ginto sa team B2 men’s event.
- Latest















