Nuggets pinabagsak ng Hawks

DENVER - Kumolekta si Dyson Daniels ng triple-double na 17 points, 11 rebounds at 10 assists para tulungan ang Atlanta Hawks na dagitin ang Nuggets, 110-87.
Ito ang unang laro ng Atlanta (19-21) matapos i-trade si superstar guard Trae Young sa Washington Wizards.
Bumira si Jalen Johnson ng 29 points at may 22 markers si Nickeil Alexander-Walker.
Bukod kina injured Nikola Jokic (hyperextended left knee) at Jonas Valanciunas (calf) ay hindi rin naglaro para sa Denver (25-13) sina Jamal Murray (ankle) at Spencer Jones (ankle).
Umiskor si Peyton Watson ng 25 points kasunod ang 14 markers ni Aaron Gordon para sa Nuggets na kumamada ng isang 14-2 atake sa third period para agawin ang four-point lead matapos bumangon mula sa 11-point deficit sa first half.
Bumanat ang Hawks ng 10-0 ratsada patungo sa pagtatala ng 94-78 abante sa fourth quarter.
Hindi nakita sa aksyon para sa Atlanta si Kristaps Porzingis (Achilles tendon) habang hindi pa nakakasama sa tropa ang mga bagong players na sina CJ McCollum at Corey Kispert galing sa Washington kapalit ni Young.
Sa iba pang laro, lusot ang nagdedepensang Oklahoma City Thunder sa Memphis Grizzlies, 117-116; wagi ang Los Angeles Clippers sa Brooklyn Nets, 121-105; tinalo ng Phoenix Suns ang New York Knicks, 112-107; dinomina ng Golden State Warriors ang Sacramento Kings, 137-103; at giniba ng Boston Celtics ang Toronto Raptors, 125-117.
- Latest





















