Foxies didikit sa semis berth

MANILA, Philippines — Didikit sa ikalawang semifinals berth ang Farm Fresh sa pagharap sa bumubulusok na Capital1 Solar Energy sa 2026 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference Siklab Series.
Nakatakda ang upakan ng Foxies at Solar Spikers ngayong alas-6 ng gabi, habang maglalaban sa ala-1 ng hapon ang PLDT High Speed Hitters at sibak nang Galeries Tower Highrisers sa Philsports Arena sa Pasig City.
Nasambot ng Nxled ang unang semifinals ticket sa kanilang 6-0 baraha sa itaas ng Creamline (4-2), Farm Fresh (4-2), Choco Mucho (4-3), PLDT (3-3), Akari (3-4), Capital1 Solar Energy (2-4), ZUS Coffee (1-5) at Galeries Tower (1-5).
Matapos matalo sa Chargers ay pinatumba ng Foxies ang Thunderbelles at High Speed Hitters para palakasin ang pag-asa sa semis spot.
“May mga pagkakataon na nawawala ang usapan namin, especially kapag lamang na ang kalaban. Iyon ang patuloy naming inaayos sa training – kailangan naming mag-usap, magtulungan at sabay-sabay kaming umangat,” ani star spiker Trisha Tubu.
Laglag naman ang Solar Spikers sa tatlong dikit na kamalasan sa mga kamay ng High Speed Hitters, Cool Smashers at Chameleons makaraan ang five-set win sa Thunderbelles noong Oktubre 20.
Isasalang ng Farm Fresh sina Tubu, Ces Molina, Ara Galang, Mylene Paat-Rezanova, Royse Tubino, Riri Meneses, Fil-Am setter Alohi Robins-Hardy at libero Bia General.
Sina ‘Big Three’ Bella Belen, Vanie Gandler at Erika Santos ang muling sasandalan ng Capital1 katuwang sina Pauline Gaston, Shaya Adorador, Pia Abbu, France Ronqullo, Cherry Nunag, setter Juju Coronel at rookie libero Detdet Pepito.
- Latest
















