NXLED diretso sa semis

MANILA, Philippines — Bumira si Fil-Am Brooke Van Sickle ng 10 points mula sa siyam na attacks at isang block para sa 27-25, 25-22, 26-24 pag-eskapo ng Nxled sa Akari papasok sa semifinal round ng 2026 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference Siklab Series kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Ito ang ika-anim na sunod na pananalasa ng Chameleons na nakahugot kina Myla Pablo, Fil-Am MJ Phillips at EJ Cariño ng tig-siyam na puntos.
Tumipa si setter Gel Cayuna ng 17 excellent sets para sa kanilang opensa.
Nagkaroon naman si Jonah Sabete-Escamillan ng isang left knee injury sa third set matapos ang masamang pag-landing kung saan siya nakaiskor.
“This is an amazing team. It takes time to mix them together, but at the end of the day, all of the players that I’ve got, they are super high level,” ani Italian coach Ettore Guidetti.
Pumalo si Eli Soyud ng 16 points kasunod ang 10 markers ni Ced Domingo para sa 3-4 baraha ng Chargers na bigong maduplika ang naunang panalo sa Choco Mucho Flying Titans.
Kinuha ng Akari ang 24-21 abante sa first set bago nakatabla ang Nxled sa 24-24 mula kina Phillips at Pablo.
Matapos ang hataw ni Soyud para sa 25-24 abante ng Chargers ay umiskor ng tatlong sunod na puntos si Van Sickle para sa 27-25 panalo ng Chameleons.
Lumamang naman ang Nxled sa 24-21 sa second set patungo sa 25-22 pagdaig sa Akari mula sa hataw ni Phillips.
Nangyari sa third set ang left knee injury ni Sabete-Escamillan kung saan niya inilapit ang Chameleons sa 14-16 agwat sa Chargers at isinakay sa stretcher palabas ng court.
Isang 6-2 bomba ang inihulog ng Nxled para sa kanilang 20-18 abante patungo sa kanilang straight-sets win sa Akari.
- Latest
















