Biado top earner sa taong 2025

MANILA, Philippines — Inokupahan ni world champion Carlo Biado ang unang puwesto sa moneymaker list para sa taong 2025.
Nagawa ito ni Biado matapos ang kaliwa’t kanang tagumpay sa iba’t ibang international tournaments.
Nagsilid si Biado ng kabuuang $323,000 premyo tampok ang pinakamalaking napanalunan nito nang magkampeon ito sa World Pool Championship.
Matatandaang namayagpag si Biado sa 2025 World Pool Championship sa Jeddah, Saudi Arabia noong Hulyo kung saan umani ito ng $250,000 premyo.
Tinalo ni Biado sa finals si defending champion Fedor Gorst ng Amerika sa bendisyon ng pukpukang 15-13 desisyon sa finals.
Nakalikom pa si Biado ng $17, 500 nang tumapos ito bilang third placer sa World 10-Ball Championship habang bahagi rin si Biado ng Team Asia sa ginanap na Reyes Cup kasama sina Johann Chua, AJ Manas, captain Francisco “Django” Bustamante, Duong Quoc Hoang at Aloysius Yapp.
Pumangalawa naman sa listahan si Aloysius Yapp ng Singapore na may $301,450 habang ikatlo si Gorst na may naibulsang $284,220.
Nasa ikaapat si Joshua Filler ($274,116) kasunod sa ikalima si Shane van Boening ($179,775).
Ang iba pang Pinoy sa listahan ay sina Qatar World Cup 10-Ball champion Jonas Magpantay ($106,750) at 2025 Knight Shot 9-Ball Open winner Johann Chua ($102,000),
Sa women’s division, nakalikom si Chezka Centeno ng $106,019 tampok ang mga panalo nito sa 2025 Indonesia Mixed Doubles Open at WPA Women’s World 10-Ball Championships para okupahan ang No. 3 spot.
Nanguna si Seo Seoa ($122,170) habang ikalawa si Jasmin Ouschan ($106,336).
- Latest




















