Pinay booters maraming natutunan sa World Cup

MANILA, Philippines — Panalo pa ring maituturing ang Philippine national women’s futsal team na maraming natutunan sa buong panahon ng kampanya nito sa FIFA Futsal Women’s World Cup na ginaganap sa Philsports Arena sa Pasig City.
Hindi man pinalad na makakuha ng panalo, malalim ang iniwan nitong karanasan para sa Pinay booters.
Kaya naman nais ng Filipina5 dalhin ito sa kanilang mga susunod na laban sa international stage.
Sa huling araw ng laban, umani ang Pinay squad ng 1-5 pagyuko sa Argentina.
Ngunit malaking motibasyon ang isang goal na nakamit nito sa Argentina na isang world-class team.
“Para sa akin po, we did very well. Syempre last game, binuhos na namin lahat-lahat,” ani Isabella Bandoja na siyang bukod-tanging nakapuntos sa laban ng Pilipinas at Argentina.
Masaya ang tropa sa kampanya nito sa World Cup.
Bagama’t wala itong nakuhang panalo sa tatlong pagsalang, maituturing na tagumpay pa rin ito para sa Pinay booters dahil nakilala ang Pilipinas sa world meet na suportado ng Philippine Sports Commission at Philippine Football Federation.
“Yung dugo’t pawis namin, ‘yung trinabaho simula nung training, nung magsimula ang WC and until last game, binuhos po namin talaga,” ani Bandoja.
Nagpasalamat ang koponan sa lahat ng sumuporta sa kanilang laban partikular na ang mga nanood ng personal sa venue para mag-cheer.
- Latest















