Tigil muna aksyon sa karerahan
MANILA, Philippines — Pahinga muna ang tagisan ng bilis ng mga kabayo sa karerahan upang magkaroon ng pagkakataon ang mga karerista na madalaw ang kanilang mahal sa buhay sa sementeryo ngayong araw ng patay.
Bukas,(Linggo) ang balik aksyon sa pista kung saan ay pitong regular races ang inihanda ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) upang pasayahin ang mga karerista sa kanilang paglilibang.
Magsisimula ang labanan sa alas-2 ng hapon na gaganapin sa Metro Turf, Malvar sa Tanauan City, Batangas.
Siyam na mahuhusay na kabayo ang mag-uunahan sa meta sa PHILRACOM Rating Based Handicapping System na pakakawalan sa unang race, simula na rin ng tayaan sa winner take all, (WTA).
Haharurot sa distansyang 1,400 meter race ang Dreamoftheworld, Heavy Weight, Speed Lady, Mythic Layla, Captain Bob, Animo La Salle, Perfect Blue, Lady Bug Red at Tugatog.
Posibleng magpakitang gilas ang kalahok na Dreamsoftheworld na gagabayan ni Pabs Cabalejo, Speedlady na papatungan ni veteran rider Conrad Henson at Lady Bug Red na sasakyan ni star jockey Jeffril Tagulao Zarate.
Makakatanggap naman ng added prize na P30,000 ang winning horse owner sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM).
Magbubulsa naman ang breeder ng mananalong kabayo ng P4,500 habang tig-P1,000 at P500 ang second at third placers, ayon sa pagkakasunod.
- Latest



















