Mojdeh hataw ng 5 ginto sa Tokyo

MANILA, Philippines — Patuloy ang pananalasa ni Behrouz Mohammad Madi Mojdeh nang magdagdag ito ng lima pang gintong medalya sa 2025 Buccaneer Invitational Swim Meet na ginaganap sa St. Mary’s International School’s swimming pool sa Tokyo, Japan.
Dahil sa limang ginto nito sa Day 2, nakumpleto ni Mojdeh ang matamis na eight-gold sweep sa boys’ 13-14 division.
Lalo pang nag-init si Mojdeh sa huling araw ng kumpetisyon kung saan agad nitong kinuha ang gintong medalya sa 200m butterfly sa bilis na dalawang minuto at 11.45 segundo.
Muli itong umarangkada sa 200m Individual Medley matapos mangibabaw tangan ang oras na 2:16.02 bago angkinin ang ginto sa 100m breaststroke (1:10.26) para walisin ang lahat ng kanyang anim na individual events.
Pinangunahan pa nito ang Pinoy tankers sa pagkopo ng dalawang ginto sa relay events — sa 200m medley relay at 200m freestyle relay.
Sa kabuuan, may walong ginto ang La Salle-Greenhills tanker sa naturang two-day meet.
Una nang pinagharian ni Mojdeh ang tatlong events —sa 400m Individual medley, 100m butterfly at 200m breaststroke — sa opening day.
Magandang panalo ito para kay Mojdeh na naghahanda para sa kanyang debut sa NCAA swimming competitions sa Disyembre kung saan bahagi ito ng La Salle-Greenhills swimming team.
“I didn’t expect to sweep all my six individual events and got two more gold medals in relay. Magandang morale boosting win ito for me before the NCAA tournament in December,” ani Mojdeh.
Ngunit hindi pa kuntento si Mojdeh dahil target nitong mas mapaganda pa ang kanyang mga oras upang magkaroon ng malakas na tsansang makasungkit ng medalya sa NCAA.
“Tuloy lang kami sa training para mag-improve pa yung times ko since hindi magiging madali yung NCAA tournament dahil malalakas din yung mga kasali doon,” dagdag ni Mojdeh.
- Latest






















