Korona sa floor exercise babawiin ni Yulo
MANILA, Philippines — Hangad ni Carlos Edriel Yulo na mabawi ang mga korona nito sa floor exercise at vault sa pag-arangkada ng finals ng apparatus sa 53rd Artistic Gymnastics World Championships na ginaganap sa Indonesia Arena sa Jakarta, Indonesia.
Sisimulan muna ni Yulo ang tangkang maibalik ang titulo sa men’s floor exercise event kung saan mapapalaban ito sa pitong mahuhusay na gymnasts.
Kabilang na rito si Filipino-British Jake Jarman ng Great Britian na siyang nanguna sa qualifying round matapos magtala ng 14.700 puntos.
Pumangalawa lamang si Yulo sa qualifying bitbit ang 14.566 puntos.
Malayo ang lamang ni Jarman sa difficulty kung saan nagtala ito ng 6.300 puntos kumpara sa 5.900 ni Yulo.
Subalit nakabawi ng bahagya ang Pinoy bet sa execution tangan ang 8.666 puntos laban sa 8.400 puntos ni Jarman.
Kaya naman inaasahang magkakaalaman na sa finals kung sino ang magsisilbing hari ng floor exercise.
“I know that they’re really working hard for the spot and I’m really grateful that I’m at their level and putting that much pressure on me, especially on Floor and Vault,” ani Yulo.
Huling nahawakan ni Yulo ang ginto sa floor exercise ng World Championships noong 2019 edisyon na ginanap sa Stuttgart, Germany.
- Latest





















