Batang Manda markado sa PCSO-Silver Cup

MANILA, Philippines — Paparada sa pista ang reigning Philippine Sportswriters Association, (PSA) - Horse of the Year awardee Batang Manda para lahukan ang PHILRACOM-PCSO Silver Cup na ilalarga ngayong araw sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas.
Rerendahan ni former PSA - Jockey of the Year awardee Patty Ramos Dilema, haharapin ng Batang Manda ang pitong tigasing kabayo sa distansyang 1,800 meter race.
Ipamumudmod sa unang anim na kabayong tatawid sa meta ang tumataginting na P4M guaranteed prize na nakalaan sa karera kaya asahang itotodo ng ibang kalahok na Basheirrou, Easy Does It, Ghost, Istulen Ola, Jungkook, Moderne Legacy at Sonic Clay ang kanilang lakas para manalo.
Kukubrahin ng mananalong kabayo ang P2.4M, mapupunta sa pangalawa ang P800,000 habang P400,000, P200,000, P120,000 at P80,000 ang third hanggang sixth placers, ayon sa pagkakasunod sa karerang suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM).
Nanalo ang Batang Manda sa 2025 PHILRACOM “Gran Copa De Manila” kung saan ay kasama sa mga tinalo nito ang Jungkook, Istulen Ola at Basheirrou.
Posibleng magbigay ng magandang laban ang mga kalahok na Jungkook, Ghost at Basheirrou.
- Latest

















