Arca lumakas ang tsansa sa korona
MANILA, Philippines — Nagkakaroon ng liwanag sa asam na korona si Pinoy International Master-elect Christian Gian Karlo Arca.
Ito’y matapos masolo ang top spot nang kalusin ang kababayang si FM Ivan Travis Cu sa Round 4 ng 9th Eastern Asia Youth Chess Championships 2025, Standard division na nilaro sa Zhuhai, China kahapon.
Naka-ipon ang 16-anyos ng malinis na apat na puntos para manguna sa Boys Under-18 sa event na ipinatutupad ang nine rounds swiss system at may time control na 90 minutes plus 30 seconds increment.
Sinagasaan ng Pinoy bet at Philippine Sportswriters Association, (PSA) Tony Siddayao awardee na si Arca si Hoang Quan Vo ng Vietnam sa unang round bago pinisak sa round 2 at 3 sina Yibai Ren ng China at FM Khishigbat Ulzikhishig ng Mongolia, ayon sa pagkakasunod.
Sa distaff side, nakipaghatian ng puntos si WFM Ruelle Canino kay Jingyi Peng upang manatili sa unahan kasama ang tatlong woodpushers sa Girls Under-18.
Tangan ang 3.5 pts. matapos ang round 4, katabla ni Canino ang nakatunggali na sina WCMs Nu Quynh Duong Ton ng Vietnam at Bayarsaikhan Khulan ng Mongolia.
- Latest
















