SMB ‘di ibibigay sa TNT ang Game 4

MANILA, Philippines — Lalapit ng isang tungga ang San Miguel mula sa kampeonato sa tangkang 3-1 abante kontra sa Talk ‘N Text sa Game 4 ng 2025 PBA Philippine Cup ngayon sa Mall of Asia Arena.
Sasakay sa momentum ng back-to-back wins ang Beermen upang makaisa pa ulit sa duwelo sa alas-7:30 ng gabi para lalong mamuro sa titulo na siyang pupurnada rin sa tangkang Grand Slam ng Tropang 5G.
Taob ang SMB sa kontrobersiyal na Game 1, 99-96, bago bumalikwas sa Game 2, 98-92, at tambakan ang TNT sa Game 3, 108-88, para sa mabilis na 2-1 kartada.
Nagawa ito ng SMB sa likod ng buong puwersa sa pangunguna ni 8-time MVP June Mar Fajardo na kumamada ng 33 puntos sa Game 3 kontra sa pilay-pilay na TNT matapos ang isa pang injury sa katauhan ng big man na si Poy Erram.
Bukod sa hangaring mapigilan ang three-peat ng Tropang 5G, asam din ng Beermen ni coach Leo Austria na mabawi ang Philippine Cup title matapos matalo sa Meralco Bolts noong nakaraang finals.
At makakalapit sila ng isang hakbang mula dito kung makakalusot uli sa Game 4 sa tulong nina CJ Perez, Don Trollano, Mo Tautuaa, Jericho Cruz, Chris Ross at Marcio Lassiter.
- Latest

















