Akari lumapit sa bronze medal

MANILA, Philippines — Bumangon ang Akari mula sa 0-2 pagkakabaon para takasan ang Choco Mucho, 24-26, 21-25, 25-15, 25-18, 15-11, sa Game One ng kanilang agawan sa bronze medal sa 2024-25 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Pumalo si Eli Soyud ng 24 points mula sa 20 attacks, dalawang blocks at dalawang service ace para sa 1-0 lead ng Chargers sa kanilang best-of-three series ng Flying Titans.
Maaari nang tapusin ng Akari ang kanilang serye ng Choco Mucho kung muling mananalo sa Game Two bukas sa Big Dome.
Ito rin ang magiging back-to-back podium finishes sa kanilang three-year franchise history matapos sumegunda sa Creamline sa 2024 PVL Reinforced Conference.
Nagdagdag ng 20 markers si Ivy Lacsina para sa Chargers kasunod ang 15 points ni Grethcel Soltones na mayroon ding 26 receptions habang may 29 excellent digs si libero Justine Jazareno.
“Sinabi lang namin sa bawat isa na kapitan lang namin iyong set na iyon and then magta-turnaround siya kung makuha namin iyong set na iyon,” ani Jazareno.
Ang tinutukoy ni Jazareno ay ang pag-agaw nila sa third set, 25-15, matapos angkinin ng Flying Titans ang 2-0 bentahe sa laro.
- Latest