Balikatan ang labanan sa Special Invitational race
MANILA, Philippines — Magsasaya na naman ang mga karerista sa Linggo dahil tumataginting na P1M garantisadong premyo ang nakalaan sa magaganap na 2025 PHILRACOM Special Invitational Race na ilalarga sa Linggo sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas.
Inaasahang magiging mahigpitan ang labanan dahil sa laki ng premyo na ipamumudmod sa unang anim na kabayong tatawid sa meta sa distansyang 1,600 meter race.
May 15 kabayo ang naghayag ng pagsali kasama na ang matikas na Accidental Hero na rerendahan ni reigning back-to-back Philippine Sportswriters Association, (PSA) - Jockey of the Year awardee John Alvin Guce.
Ang ibang nagsabi ng paglahok ay ang 2025 “4-Year-Old & Above Imported/Local Challenge Series 3” ruler, Andiamo A Firenze, Ace Of Diamonds, Counter Attack, Dissolved, Dreaming Always, Hole In One, Madam Mayhem, Magandang Dilag, Manila De Bay, Perfect Delight, Sherbet Fountain, Varatti, Windfall at Redeemer.
Hanggang 14 lang ang pinaka-maraming puwedeng pumarada sa pista kaya hindi lahat ay makakasali, malalaman ang opisyal na line up paglabas ng programa ng karera para sa Sabado at Linggo na takbo.
Masusungkit ng mananalo ang P600,000, mapupunta sa pangalawa ang P200,000 habang P100,000, P50,000, P30,000 at P20,000 ang third hanggang sixth placers, ayon sa pagkakasunod.
Maliban sa nabanggit na stakes race, pasisibatin din ang 2025 Gran Copa De Manila na siyang inaabangan din ng mga karerista.
- Latest