Semis target ng NLEX, Magnolia
MANILA, Philippines — Mag-uunahan sa semifinals ang apat na koponan ngayon sa paglarga ng umaatikabong quarterfinals ng 2025 PBA Philippine Cup sa PhilSports Arena sa Pasig.
Maghaharap ang No. 3 Magnolia at No. 6 Talk ‘N Text sa main game ng bigating double-header pagkatapos ng bakbakan sa pagitan ng No. 2 NLEX at No. 7 Rain or Shine sa alas-5 ng hapon.
Ito ang unang tapatan sa mainit na quarterfinals tampok din ang laban ng No. 1 San Miguel kontra sa No. 8 at reigning champion Meralco pati na ang No. 4 Ginebra kontra sa No. 5 Converge bukas sa Ninoy Aquino Stadium.
Pero ang atensyon ay nasa unang 4 na koponan muna tampok ang twice-to-beat na bentahe para sa segundang Road Warriors at terserang Hotshots.
Bukod sa kanilang mataas na rankings, paborito ang NLEX at Magnolia sa duwelo dahil sa kanilang mga panalo kontra sa magkaibang karibal para sa misyong masulit ang isang panalong kailangan lang papasok sa Final Four.
Kinaldag ng Road Warriors ang Elasto Painters, 109-95, habang umeskapo ang Hotshots sa Tropang 5G, 88-83, sa laban nila sa elimination rounds.
Subalit ayaw magpa-kampante ng 2 lalo na ang NLEX na bihira lang magka-twice-to-beat sa quarterfinals lalo pa kontra sa laging semifinalist na Rain or Shine.
Sasandal si Uichio kina Robert Bolick, Kevin Alas, Xyrus Torres, Brandon Ramirez, Anthony Semerad at Javee Mocon upang mapigilan ang silat na tangka nina Adrian Nocum, Santi Santillan, Keith Datu, Andrei Caracut, Caelan Tiongson at Anton Asistio ng mga manok ni coach Yeng Guiao.
- Latest