Nitura ibabangon ang Lady Falcons
MANILA, Philippines — Muling huhugot ng puwersa ang Adamson University kay super rookie Shaina Marie Nitura sa pagsagupa nila sa nagkukumahog na University of the East sa UAAP Season 87 women’s volleyball tournament na lalaruim sa Mall of Asia Arena, ngayong araw.
Sa ala-1 ng hapon ang simula ng laban ng Adamson at UE sunod ang hatawan sa pagitan ng De La Salle University at University of Sto. Tomas sa alas-5 ng hapon.
May kartang 1-1, natisod ang Lady Falcons sa huli nilang laban kontra La Salle kaya asahang gagawin lahat ng una para makabangon agad at makalapit sa tuktok ng team standings.
Tumikada si Nitura ng game-high 16 points nang yumuko sila sa Lady Spikers, nakatuwang niya sa opensa si Frances Mordi na may 12 puntos.
Pero tiyak na mapapalaban ng todo ang Lady Falcons bago makuha ang inaasam dahil uhaw sa panalo ang Lady Warriors.
Wala pang panalo ang UE sa dalawang salang.
Sumadsad ang Lady Warriors sa nakaraang laban nila kontra University of Sto. Tomas, 26-28, 25-22, 23-25, 15-25 kahit maganda ang inilaro ni KC Cepada na kumana ng 20 points.
Samantala, unahan sa dalawang panalo ang Lady Spikers at Golden Tigresses na parehong galing sa panalo noong Pebrero 22 sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan.
Ipaparada ng UST sina Angge Poyos at Regina Grace Jurado para tapatan ang kamador ng La Salle na sina Alleiah Jan Malaluan at Angel Anne Canino.
- Latest


















