Philippines bets bigo sa AWG bronze medal match
MANILA, Philippines — Hindi pinalad ang Pinoy curling doubles team na makapag-uwi ng medalya para sa Pilipinas sa 9th Asian Winter Games na ginaganap sa Harbin Pingfang Curling Arena sa Harbin, China.
Lumasap ng masaklap na 5-6 kabiguan sina Filipino-Swiss Marc Pfister at Filipino-American Kathleen Dubberstein kina Han Yu at Wang Zhiyu sa bronze medal match ng curling mixed doubles event kahapon.
Matikas ang simula ng Pinoy duo nang maitarak nito ang 4-0 kalamangan.
Subalit hindi nasustenihan nina Pfister at Dubberstein ang matikas na ratsada nito nang umarangkada ang Chinese pair.
Sunud-sunod na pumuntos sina Han at Wang kung saan anim na sunod na puntos ang inilista nito para makuha ang kalamangan sa 6-4.
Nagawang makadikit nina Pfister at Dubberstein sa huling sandali ng laro para sa 5-6 marka.
Subalit iyon na lamang ang nakayanan ng Pinoy pair para tuluyang ipaubaya sa Chinese ang panalo.
Nagkasya lamang sa ikaapat na puwesto sina Pfister at Dubberstein.
Nakatakda namang sumalang si Peter Joseph Groseclose sa quarterfinals ng men’s short track speed skating 1000m event ngayong araw sa HIC Multifunctional Hall.
Sasabak si Groseclose sa Group 4 kung saan kailangan nitong makapasok sa Top 2 upang umabante sa semis.
Hindi pinalad si Groseclose sa 1500m at 500m events matapos itong matalo sa preliminary rounds.
Sina Groseclose at Dubberstein ang tumayong flag bearers sa opening ceremonies na ginanap noong Biyernes ng gabi.
Sa kabila nito, nanatiling mataas ang moral ni Philippine Olympic Committee (POC) president Abraham “Bambol” Tolentino na umaasang makapag-uuwi ng medalya ang Team Philippines sa naturang asian meet.
- Latest