Fifi Sharma thankful sa coaches
MANILA, Philippines — Malaki ang pasasalamat ni middle blocker Fifi Sharma sa mga coaches nito upang mas lalo pang mapataas ang kalidad ng kanyang paglalaro hindi lamang sa Premier Volleyball League (PVL) maging sa national team.
Bahagi si Sharma ng Alas Pilipinas na hinuhubog para sa mga international tournaments na lalahukan nito sa taong ito partikular na sa 2025 Southeast Asian Games sa Bangkok, Thailand.
At isa si Brazilian mentor Jorge Souza de Brito sa mga pinasalamatan ng dating La Salle standout dahil sa tiwalang ibinibigay nito sa kanya sa oras na tumutuntong ito sa court.
Si De Brito ang pumili ng magiging bahagi ng national pool.
At masuwerte si Sharma na napasama ito dahil isa lamang itong pangarap noon na nabigyan ng katuparan.
“Thankful ako kay coach Jorge dahil nabigyan ako ng chance na mai-represent ang country natin na hindi ko siya ini-expect. Pero nakita ni coach na kaya ko,” ani Sharma.
Makailang ulit itong isinalang ni De Brito sa mga laban ng Alas Pilipinas bilang starting middle blocker dahil alam nito ang kakayahan ni Sharma.
“Yun ang nagbigay sa akin ng confidence yung tiwalang ibinigay niya sa akin. Yung isang Olympian na naniniwala sa kakayahan ko kaya talagang na-push ako,” ani Sharma.
Kaya naman nais nitong dalhin sa kanyang tropa sa Akari Chargers ang mga natutunan nito para makatulong sa kanilang kampanya sa PVL All-Filipino Conference.
Matapos ang kumperensiya, agad na sasalang ang Alas Pilipinas sa training camp para paghandaan ang SEA Games.
- Latest