Sabel nagdomina sa 3YO Maiden race
MANILA, Philippines — Ipinakita kaagad ng Sabel ang husay nito matapos sikwatin ang unang panalo ngayong 2025 nang dominahin ang 3-Year-Old & Above Maiden Race na inilarga sa Metro Turf, Malvar sa Tanauan City, Batangas noong Linggo ng hapon.
Humarurot muna sa largahan ang Summer Bell upang hawakan ang dalawang kabayong agwat sa humahabol na Sabel, Robotic Clay at A Man’s A Man.
Pero pagsapit ng kalagitnaan ng karera ay kumpulan na sa unahan ang Summer Bell, Sabel, Robotic Clay, A Man’s A Man at Perfect Blue.
Inagaw naman ng Sabel ang bandera papalapit ng far turn kaya naman sa huling kurbada ay umungos na ito ng dalawang kabayo sa mga katunggali.
Kaya naman pagtawid ng meta ng Sabel ay umabot sa walong kabayo ang lamang sa pumangalawang Robotic Clay, tersero ang Perfect Blue, habang pang-apat ang A Man’s A Man.
Inirehistro ng Sabel ang tiyempong 1:28.6 minuto sa 1,400 meter race sapat upang hamigin ng Philippine Sportswriters Association (PSA) Horse of the Year awardee ni Benhur Abalos Jr. ang P22,000 added prize.
Nakopo naman ni Kerby Chua, breeder ng nanalong kabayo ang P4,500, habang may P1,000 at P500.00 ang second at third placers, ayon sa pagkakasunod.
Sinakyan ni jockey EA Abrea ang Sabel.
Samantala, pitong kapana-panabik na races ang pinakawalan ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) noong Linggo kaya masaya ang mga karerista sa kanilang paglilibang.
- Latest