POC ihahanda ang Team Philippines para sa 2025 events
MANILA, Philippines — Pinaplantsa na ng Philippine Olympic Commitee (POC) ang magiging program nito para sa Team Philippines na sasabak sa iba’t ibang international tournaments sa taong ito.
Handa si Philippine Olympic Committee (POC) president Abraham “Bambol” Tolentino na gawin ang lahat pa matiyak na handang-handa ang delegasyon bago sumabak sa laban.
“It’s a busy year marked with major international competitions,” ani Tolentino matapos ang meeting ng bagong Executive Board sa Hai Shin Lou Restaurant sa Makati City kahapon.
Unang aarangkada sa 2025 ang 9th Asian Winter Games sa Harbin, China sa Pebrero 7 hanggang 14 kasunod ang 12th World Games sa Chengdu, China sa Agosto 7 hanggang 17.
Lalarga rin ang 3rd Asian Youth Olympics Games mula Oktubre 22 hanggang 31 sa Bahrain at ang 33rd Southeast Asian Games na idaraos naman sa Thailand sa Disyembre 9 hanggang 20.
Kasama ni Tolentino sa meeting sina first vice president Al Panlilio (basketball), treasurer Dr. Jose Raul Canlas (surfing) at auditor Donaldo Caringal (volleyball) at board members Leonora Escollante (canoe-kayak), Alvin Aguilar (wrestling), Ferdinand Agustin (jiu-jitsu,), Alexander Sulit (judo), Leah Gonzales (fencing) at Jessie Lacuna (Athletes Commission).
- Latest