Black Jack pabibo sa 2YO Maiden race
MANILA, Philippines — Pinasaya ng Black Jack ang mga liyamadista sa bisperas ng Pasko nang manalo ng walang kahirap-hirap sa naganap na 2-Year-Old Maiden Race na inilarga sa Metro Turf, Malvar sa Tanauan City, Batangas.
Nagpakitang gilas muna ang Summer Bell sa largahan nang kumuha kaagad ng unahan, pero ilang metro ng karera ay inagaw na ng Black Jack ang bandera.
Halos paglaruan ng outstanding favorite na Black Jack ang mga nakatunggali at umalagwa sa far turn para makalamang ng apat na kabayo sa Summer Bell.
Pagsapit ng huling kurbada ay wala nang nakalapit sa winning horse kaya naman sa rektahan ay naka pirmis na lang si jockey Conrad “Bojie” Henson.
Tinawid ng Black Jack ang finish line na may siyam na kabayo ang agwat sa sumegundong A Man’s A Man, tersero ang Robotic Clay, habang pumang-apat naman ang Summer Bell.
Inilista ng Black Jack ang tiyempong 1:13 minuto sa 1,200 meter race sapat upang ibulsa ni winning horse owner Lamberto Almeda Jr. ang P22,000 added prize.
Nakopo ng breeder ng nanalong kabayo ang P4,500 at may P1,000 at P500.00 ang second at third placers, ayon sa pagkakasunod, sa event na suportado ng Philippine Racing Commission (PHILRACOM).
Samantala, may pitong races ang pinakawalan ng Metro Manila Turf Club Inc. noong Martes ng gabi kaya sulit ang paglilibang ng mga karerista.
- Latest