Beda itutuloy ang ratsada vs lyceum
MANILA, Philippines — Itutuloy ng nagdedepensang San Beda University ang pananalasa sa pagsagupa sa Lyceum of the Philippines University sa second round ng NCAA Season 100 men’s basketball tournament.
Haharapin ng Red Lions ang Pirates ngayong alas-12 ng tanghali kasunod ang banggaan ng Mapua Cardinals at Emilio Aguinaldo College Generals sa alas-2:30 ng hapon sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan City.
Tangan ng College of St. Benilde ang liderato sa kanilang 8-2 marka sa itaas ng San Beda (7-3), Mapua (7-3), Letran (6-5), EAC (5-5), Lyceum (5-5), University of Perpetual Help System DALTA (5-6), Jose Rizal University (3-7), Arellano University (3-7) at San Sebastian College-Recoletos (2-8).
Nasa four-game winning streak ngayon ang Red Lions tampok ang 79-65 pagpulutan sa Chiefs, habang nagmula ang Pirates sa 91-68 pagdurog sa Knights sa kanilang mga huling laro.
Matapos si Bryan Sajonia ay si Bismarck Lina naman ang nagpasikat para sa San Beda matapos humakot ng career-high 20 points bukod sa 7 rebounds, 1 assist at 1 steal laban sa Arellano.
“He’s highly recruited when he went to college and this kid is confident with ‘yung mga capabilities niya. We just gave him a platform to showcase what he can,” ani Red Lions’ coach Yuri Escueta sa dating player ng University of the Philippines Fighting Maroons sa UAAP.
Hangad ng Pirates na muling manalo para sa tsansa sa Final Four.
Sa ikalawang laro, target ng Cardinals ang ikalawang sunod na panalo sa pagharap sa Generals.
Umiskor ang Mapua ng 75-71 panalo sa Jose Rizal kung saan bumanat si Yam Concepcion ng career-high 19 points, habang may 14 markers si reigning MVP Clint Escamis.
Nagmula naman ang EAC sa come-from-behind 78-70 win sa Perpetual tampok ang pagbangon mula sa isang 24-point deficit, 20-44, sa second period.
- Latest