Tolentino may plano na para sa 2025
MANILA, Philippines — Ikinakasa na ni Philippine Olympic Committee (POC) president Abraham “Bambol” Tolentino ang kanyang mga plano para sa taong 2025.
Nakatakdang pulungin ni Tolentino ang POC Executive Board sa Enero 9 na susundan ng General Assembly sa Enero 15.
“Work starts in earnest,” ani Tolentino na kamakailan lamang ay nakakuha ng bagong apat na taong termino bilang pangulo ng POC.
Isa sa mga tututukan ang partisipasyon ng Team Philippines sa 33rd Southeast Asian Games na gaganapn sa Disyembre sa susunod na taon sa Thailand.
Aminado si Tolentino na magiging matindi ang labanan sa Thailand SEA Games kung saan inaasahang dodominahin ng host country ang medal board.
Ngunit palaban ang mga Pinoy athletes.
“That will be a tough SEA Games, but I’m confident our athletes, our national sports associations will deliver in Thailand,” ani Tolentino.
Kaliwa’t kanan ang mga international competitions sa 2025.
Una na ang Ninth Asian Winter Games sa Pebrero sa Harbin, China at ang Asian Indoor and Martial Arts Games na gaganapin sa Jeddah, Saudi Arabia.
Umaasa si Tolentino na madudugtungan ang tagumpay ng Team Philippines sa 2024 Paris Olympics kung saan sumikwat ng dalawang ginto si Carlos Yulo sa gymnastics at dalawang tanso sina Nesthy Petecio at Aira Villegas sa boxing.
“It was one historic year in 2024 that raised the bar that high, making the POC’s mission and vision even more challenging,” dagdag ni Tolentino.
Kasama ni Tolentino sa “Working Team” sina first vice president Al Panlilio (basketball), second vice-president Richard Gomez (modern pentathlon), treasurer Dr. Raul Canlas (surfing), auditor Don Caringal (volleyball) at board members Leonora Escollante (canoe-kayak-dragon boat), Ferdie Agustin (jiu-jitsu), Alvin Aguilar (wrestling), Alexander Sulit (judo) at Leah Gonzalez (fencing).
- Latest