Lady Cardinals sumosyo sa No. 3
MANILA, Philippines — Binalikat nina Mapua sophomore-rookie tandem Roxie Dela Cruz at Raissa Ricablanca ang puntusan upang posasan ang Letran, 25-19, 25-22, 21-25, 27-25, sa NCAA Season 99 women’s volleyball tournament kahapon sa FilOil EcoOil Centre.
Tumikada si Ricablanca ng team-high 19 points kasama ang 15 attacks, tatlong blocks at isang ace, habang inirehistro ni Dela Cruz ang 14 markers, 11 digs at 10 receptions para sa pagsosyo ng Lady Cardinals sa No. 3 spot.
Kinahon ng Mapua ang pangatlong sunod na panalo para sa 4-2 karta kagaya ng Letran.
May tsansa sanang mawalis ng Lady Cardinals ang Lady Knights sa tatlong sets, pero nalusaw ang 15-10 bentahe nila at naagaw pa ang lamang, 21-24, kaya nakahirit ang kalaban ng fourth set.
Pinamunuan ni Lea Tapang ang Letran sa kanyang 12 points at nag-ambag sina Judiel Nitura at rookie Gia Maquilang ng tig-10 markers.
Samantala, maghaharap ngayong alas-9 ng umaga ang San Beda at EAC at magkatapat ang Lyceum at Jose Rizal sa alas-2 ng hapon.
- Latest