Heat nagpaulan ng 23 tres sa Celtics
BOSTON — Nagtala si Tyler Herro ng 24 points at 14 assists para igiya ang Miami Heat sa 111-101 pagganti sa Celtics sa Game Two ng Eastern Conference first-round playoff series.
Nagpaulan ang Miami ng kabuuang 23 three-pointers — ang pinakamarami sa isang playoff game ng kanilang franchise history — para tablahan ang Boston sa 1-1.
Nauna nang nagtala ang tropa ni Fil-Am coach Erik Spoelstra ng playoff record na 20 triples kontra sa Milwaukee Bucks noong 2021 first round.
Humakot si Bam Adebayo ng 21 points at 10 rebounds para sa Heat, habang may 21 markers din si Caleb Martin.
Pinamunuan ni Jaylen Brown ang Celtics sa kanyang 33 points kasunod ang 28 markers ni Jayson Tatum.
Mula sa 61-58 halftime lead ng Boston ay humataw ang Miami isang 10-0 atake para iposte ang 82-70 bentahe sa huling apat na minuto sa third period.
Naputol ito ng Celtics sa apat sa fourth quarter bago muling nakalayo ang Heat sa likod nina Herro at Adebayo.
Sa Oklahoma City, bumitaw si Shai Gilgeous-Alexander ng 33 points para pamunuan ang Thunder sa 124-92 dominasyon sa New Orleans Pelicans sa Game Two at ilista ang 2-0 lead sa kanilang first-round Western Conference playoff series.
Kumolekta si rookie Chet Holmgren ng 26 points at may 21 markers si Jalen Williams.
- Latest