Yulo magsasanay sa Metz, France
MANILA, Philippines — Sasailalim si Asian Championships gold medalist Carlos Yulo sa matinding training camp sa France bilang paghahanda para sa 2024 Paris Olympics sa Hulyo.
Isang buwan na ensayo ang pagdaraanan ni Yulo na sariwa pa sa matagumpay na kampanya nito sa FIG Artistic Gymnastics World Cup Series Doha Leg na ginanap sa Doha, Qatar.
Magtutungo si Yulo sa Metz, France para doon sumalang sa pukpukang training camp.
Sa Metz training venue, gagamitin ni Yulo ang mga eksaktong equipment na gagamitin din sa Paris Olympics.
Kaya naman magandang pagkakataon ito para mahasa na ito sa mga pasilidad na mismong gagamitin sa Paris Games.
“Iyong mga equipment doon (Metz) ang parehong gagamitin sa Paris Olympics kaya magandang mag-training doon para masanay na ako sa mga apparatus,” ani Yulo na nakasungkit ng isang ginto at isang pilak sa World Cup Series Doha Leg.
Wagi ito ng ginto sa men’s parallel bars at pilak sa men’s vault.
- Latest