Mavs, Pacers nakatabla sa serye
LOS ANGELES — Kumamada si Luka Doncic ng 32 points at may 23 markers si Kyrie Irving para gabayan ang Dallas Mavericks sa 96-93 pagtakas sa Clippers at itabla sa 1-1 ang kanilang Western Conference first-round playoff series.
Nagdagdag si P.J. Washington ng 18 points para sa Dallas na pamamahalaan ang Game Three.
Umiskor sina Paul George at James Harden ng tig-22 points sa panig ng Los Angeles habang humakot si Ivica Zubac ng 13 points at 12 rebounds.
Nagbalik sa aksyon si Kawhi Leonard matapos ang knee surgery at nagtala ng 15 points at 7 rebounds para sa Clippers na nakadikit sa 90-93 sa huling 20 segundo ng fourth period.
Ang tatlong free throws ni Irving ang sumelyo sa panalo ng Mavericks.
Sa Milwaukee, bumira si Pascal Siakam ng 37 points para akayin ang Indiana Pacers sa 125-108 pagresbak sa Bucks at itabla sa 1-1 ang kanilang Eastern Conference first-round playoff series
Tumipa si Myles Turner ng 22 points para sa Pacers kasunod ang 20 markers ni Andrew Nembhard habang nagposte si Tyrese Haliburton ng 12 points at 12 assists.
Sa Minneapolis, humataw si Jaden McDaniels ng 25 points para tulungan ang Minnesota Timberwolves sa 105-93 paggiba sa Phoenix Suns at kunin ang 2-0 sa kanilang Western Conference first-round series.
- Latest