Feet Bell rumemate sa Siete De Marso
MANILA, Philippines — Napabilib ng Feet Bell ang mga karerista nang rematehan nito ang mga nakatunggali sa rektahan para masungkit ang panalo sa Siete De Marso Invitational race na inilarga sa Metro Turf, Malvar-Tanauan City, Batangas noong Linggo.
Banatan agad sa unahan ang Senyorita at Carmela’s Love paglabas ng aparato, habang ipinuwesto ni veteran jockey Mark Angelo Alvarez ang dehadong Feet Bell sa tersero.
Walang humpay ang tagisan ng bilis ng Senyorita at Carmela’s Love, kaya naman nanatili sa pangatlong puwesto ang Feet Bell, nasa pang-apat ang The Accountant at bugaw ang Mahusayay.
Lalong gumanda ang bakbakan dahil pagsapit ng huling kurbada ay hindi lang ang Feet Bell ang nakihalo sa unahan maging ang Mahusayay na dumaan sa tabing balya ay malakas ang dating.
Nagkapanabayan sa rektahan ang Senyorita, Carmela’s Love, Mahusayay at Feet Bell pero sa huling 50 metro ng karera ang naungusan sila ng huli.
Tinawid ng feet Bell ang finish line ng may kalahating kabayo ang agwat sa Mahusayay.
Nilista ni Feet Bell ang tiyempong 1:27.6 minuto sa 1,400 meter race sapat upang mapunta sa Bell Racing Stable ang P180,000 na premyo, habang napunta sa Mahusayay ang second place prize na P67,000.
Sinungkit ng Carmela’s Love na dumating na tersero ang P37,500 at ang fourth placer na Senyorita ay nag-uwi ng P15,000 sa event na suportado ng Philippine Racing Commission.
- Latest