Magbuhos inilusot ang Falcons sa OT
MANILA, Philippines — Bukas ang bangko para sa birthday boy na si Vince Magbuhos matapos ibuslo ang pabandang buzzer-beater na tres upang akayin sa 74-71 overtime win ang Adamson kontra sa reigning champion Ateneo sa UAAP Season 86 men’s basketball tournament kahapon sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City.
Sa kanyang ika-24 kaarawan, suwerte ang bitaw ni Magbuhos sa pabandang tres na muntikan pang lumabas bago gumulong paloob upang magabayan ang Falcons sa unang panalo nila kontra sa Blue Eagles simula 2018.
Naglista siya ng 11 puntos habang may tig-12 puntos sina Eli Ramos at Ced Manzano para sa Adamson na narehistro ang ikalawang sunod na overtime win para sa 2-1 kartada matapos ang 68-51 debut na pagkatalo kontra sa University of the Philippines.
Natambakan pa ng hanggang 19 puntos ang Soaring Falcons bago ang pambihirang comeback na nagsimula sa panablang tres ni Matthew Montebon sa regulation upang makapuwersa ng OT, 69-69.
Sa ikalawang laro, patuloy ang pananalasa ng UP Fighting Maroons matapos ang isa na namang blowout win kontra sa National University, 78-60.
Naangkin ng Fighting Maroons ang solo liderato hawak ang 3-0 kartada matapos ding dikdikin ang Adamson at University of the East, 84-69, sa likod ng 14 puntos ni Francis Lopez.
Sumosyo kay Lopez si reigning MVP Malick Diouf na may 12 puntos at 13 rebounds habang may 12 at 10 markers din sina CJ Cansino at JD Cagulungan, ayon sa pagkakasunod.
- Latest