Abarrientos magmumulta ng P10K
MANILA, Philippines — Nagtamo ng P10,000 na multa si Magnolia assistant coach Johnny Abarrientos dahil sa ‘obscene gesture’ sa laban nila kontra sa Converge kamakalawa ng gabi sa 2023 PBA Governors’ Cup sa Ynares Sports Center sa Antipolo City.
Sa mga larawan at video sa TV broadcast ay nakitang nag-middle finger si Abarrientos bilang sagot aniya sa pangangantsaw ni FiberXers import Jamaal Franklin matapos ang krusyal na tres nito.
Nagbuslo ng pambaong tres si Franklin sa huling 1:04 ng laban para itulak sa 111-105 abante ang FiberXers at pagkatapos ay inalaska ang bench ng Hotshots.
Talo ang Magnolia sa naturang laban, 111-109, bilang debut game nito sa season-ending conference.
Humingi na ng paumanhin si Abarrientos sa hindi angkop na asal bilang assistant coach ng professional league tulad ng PBA.
May alyas na “Flying A”, dating MVP si Abarrientos na miyembro din ng 40 PBA Greatest Players tampok ang 12 kampeonato bago tumuloy bilang assistant coach.
Bilang deputy mentor noon pang 2007, nagwagi na siya ng 6 na titulo sa PBA at 1 sa UAAP para sa FEU, kung saan siya nagsimulang umukit ng pangalan noong 1990s.
- Latest