Sotto, Yao Ming ng Pilipinas
MANILA, Philippines — Si Kai Sotto ang Yao Ming ng Pilipinas.
Iyan ang dekalibreng bansag ni Adelaide 36ers head coach CJ Bruton sa kanyang manlalaro na unti-unti ay ipinapamalas na ang kanyang potensyal bilang susunod na best big man sa Asya.
“Yao Ming is big in China. And Kai Sotto is the Philippines’ version of Yao Ming,” deklara ni Bruton sa isang episode ng Unrivalled: Inside NBL23.
Tulad ni Ming noon sa kanyang taas na 7-foot-6, nakaatang sa mga balikat ng 7-foot-3 Filipino sensation na si Sotto ang pag-asa at pangarap ng buong Pilipinas sa larangan ng basketball.
Natupad ito ni Ming para sa China nang maging No. 1 overall pick ng Houston Rockets sa 2002 NBA Draft at maging multiple All-Star at Mythical Team member doon, bagay na hinahangad ding maduplika ni Sotto para sa Pilipinas sa hinaharap.
“Kai Sotto is a promising player when he puts it all together. He’s still learning. Kai is going to keep evolving, keep developing, and he’s going to help us get to where we need to go,” ani Bruton sa kanyang center sa 36ers sa Australia Nationa Basketball League.
Sa ngayon ay kinapos si Sotto sa pangarap na maging kauna-unahang purong Pinoy sa NBA nang hindi palarin sa 2022 NBA Rookie draft subalit determinado pa rin siyang maibandera ang bansa sa pamamagitan ng patuloy na kampanya para sa Gilas Pilipinas at sa Adelaide sa Australia.
Sa NBA pa rin ang pangarap na destinasyon ni Sotto pero saan man siya dalhin ng patuloy na pagpupursige ay para ito lahat sa Pilipinas.
Sa ngayon ay tuluy-tuloy lang ang kampanya ni Sotto, na nagre-rehistro ng 6.1 puntos at 3.9 rebounds, para sa 36ers tampok ang dalawang sunod na starting gig.
- Latest