Tamayo malabong makalaro kontra sa India
MANILA, Philippines — Dahil sa ankle injury ay posibleng hindi makalaro si Carl Tamayo sa laban ng Gilas Pilipinas kontra sa India bukas sa Mall of Asia Arena sa Pasay City sa third window ng 2023 FIBA World Cup Asian Qualifiers.
Inamin ni coach Nenad Vucinic na malabong maging 100 percent agad ang University of the Philippines stalwart na siyang lalong magpapanipis sa Gilas roster na may 11 manlalaro lamang.
“It’s very hard to see in three days he’ll be able to recover. If he does recover and put a jersey on, it’s not as effective as he would be without an injury,” ani Vucinic.
Nadale si Tamayo ng sprained right ankle injury kontra sa New Zealand sa fourth quarter ng kanilang masaklap na 60-106 kabiguan.
Ito ay sa kabila ng solidong performance na 16 points at 5 rebounds bilang tanging manlalaro na nakapagpasiklab sa 46-point loss ng Gilas.
Malaking kawalan si Tamayo sa Gilas na iniinda ang injury ni naturalized player Ange Kouame (meniscal sprain at partial ACL tear) kaya nagkasya lang sa 11-man roster kontra sa New Zealand.
Sa kabila nito ay umaasa si Vucinic sa pagtutulungan ng 10-man Gilas cast upang masiguro ang panalo kontra sa India.
“Other players will have to step up. It’s difficult, but we don’t want excuses. We want to try to have a good game and have a chance to win on Sunday,” pangako ni Vucinic.
May 1-2 kartada ang Gilas sa Group A.
- Latest