Lady Blazers biniktima ang Lady Cardinals
MANILA, Philippines — Walang makapigil sa College of Saint Benilde nang kurbahin nito ang mabilisang 25-17, 25-11, 25-12 demolisyon kontra sa Mapua University upang mapatatag ang kapit sa solong pamumuno sa National Collegiate Athletic Association Season 97 women’s volleyball tournament kahapon sa Paco Arena.
Umangat ang Lady Blazers sa 5-0 rekord para manatiling buhay ang tangka nitong makumpleto ang matamis na sweep sa eliminasyon.
Bumandera sa matikas na kamada ng Lady Blazers si Mycah Go na humataw ng 12 hits at 10 receptions.
Ratsada rin si Jade Gentapa na pumalo ng 12 puntos gayundin si Gayle Pascual na nagdagdag ng siyam na puntos sa labang tumagal lamang ng 67 minuto.
Nagawang makakuha ng malaking puntos ang Benilde sa attack line sa tulong ni playmaker Cloanne Mondonedo na nagrehistro ng 18 excellent sets.
Maliban sa sets, nakagawa rin si Mondonedo ng 10 digs at anim na puntos.
Bumagsak ang Lady Cardinals sa 3-2 marka para saluhan sa No. 4 spot ang Lyceum of the Philippines University na may parehong rekord.
Hindi nakaporma ang Mapua kung saan pitong puntos lamang ang nagawa ni Therese Manalo.
Maagang naglatag ng malakas na puwersa ang Lady Blazers para makuha ang 10-3 kalamangan.
Nagawa pa itong mapalobo ng Benilde sa 24-11 sa second set.
Mula noon ay hindi na lumingon pa ang Lady Blazers para matamis na makopo ang panalo at makalapit sa inaasam na sweep sa eliminasyon.
- Latest