Batang Pier palalakasin ang tsansa sa quarterfinals
MANILA, Philippines — Pupuntiryahin ng NorthPort ang kanilang ikaapat na sunod na ratsada para palakasin ang tsansa sa eight-team quarterfinal round ng PBA Governors’ Cup.
Lalabanan ng Batang Pier ang Blackwater Bossing ngayong alas-3 ng hapon kasunod ang salpukan ng mga quarterfinalists na Magnolia Hotshots at Meralco Bolts sa alas-6 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.
Mula sa 0-5 panimula ay humataw ng tatlong dikit na panalo ang NorthPort (3-5) para makasilip ng pag-asa sa quarterfinals habang asam ng sibak nang Blackwater (0-8) na mapigilan ang PBA record na 27-game losing slump simula noong 2020 Philippine Cup bubble sa Clark.
“Ganyang kalaban ang pinakadelikado, iyong nothing to lose?” ani Batang Pier coach Pido Jarencio sa Bossing.
Nagmula ang NorthPort sa 101-93 panalo laban sa Phoenix (4-5) at nakalasap ang Blackwater ng 100-109 kabiguan sa nagdedepensang Barangay Ginebra (5-4).
Sa ikalawang laro, pipilitin ng nangungunang Magnolia (7-1) na dakmain ang isang upuan sa Top Four sa quarterfinals sa pagharap sa Meralco (6-2).
Sa kabilang banda, ipaparada ng Phoenix si Du’Vaughn Maxwell matapos palitan si Dominique Sutton para mapalakas ang pag-asa sa quarterfinals.
Samantala, muling makakasama ni veteran guard Jericho Cruz ang dati niyang college coach na si Leo Austria matapos pumirma sa isang three-year contract sa San Miguel.
Nagtapos ang termino ni Cruz sa NLEX noong Lunes at mas piniling maging isang unrestricted free agent para makakuha ng mas malaki at mas mahabang kontrata sa ibang koponan.
Naglaro ang 31-anyos na si Cruz sa ilalim ni Austria para sa Adamson Falcons sa UAAP.
- Latest