Pang-unawa mula sa National Athletes hiling ni Araneta
MANILA, Philippines — Dapat intindihin ng mga national athletes ang kinakaharap na sitwasyon ng Philippine Sports Commission (PSC) sa gitna ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic.
Kaya ang kani-kanilang National Sports Associations (NSAs) muna ang bahalang sumagot sa pangangailangan nila.
“Dapat maintindihan natin na limited din ang budget ng PSC,” wika ni football president Mariano ‘Nonong’ Araneta, ang Chef De Mission ng Team Philippines sa 2021 Olympic Games sa Tokyo, Japan. “But nevertheless iyong allowance naman nila nai-release na eh.”
“Kaunting pasensya lang. We know that kailangan din nila ng pera. All they have to do is talk to the one in charge of their NSAs. I think these people will assist them,” dagdag nito.
Magkasunod na nagposte sa social media sina Olympic-bound boxers Irish Magno at Eumir Felix Marcial ng kani-kanilang sentimiyento ukol sa naantalang monthly allowance mula sa PSC.
Ang sports agency ang gumagastos sa ‘bubble’ training ng mga national athletes na naghahanda sa 2021 Tokyo Olympics at sa 31st Southeast Asian Games sa Hanoi, Vietnam.
“At the moment lahat ng asosasyon are doing their best. Malaki rin ang gastos sa bubble training sa Inspire (Sports Academy). Milyon din ang ginastos doon and PSC are still waiting for the release of their budget. Hopefully, ang release will be on April, so meron na naman silang pera for Olympic training,” ani Araneta.
“They have approved most of the budget for the (Olympic) qualifiers. They really want to assist the athletes in their training,” dagdag ng Chef De Mission.
- Latest