9 ang galing sa Tagaytay
MANILA, Philippines — Sa paghahakot ng mga Pinoy athletes ng ginto mula sa Manila Cluster (56 golds), Clark Cluster (61-golds) at Subic Cluster (21-golds) para mag-overall champion sa katatapos lamang na 30th Southeast Asian Games, nakapulot pa ng gintong medalya sa iba’t ibang venues ang Team Philippines sa pangu-nguna ng anim na gold sa skateboarding competition na ginanap sa Tagaytay City.
Dalawang ginto ang hatid ni 2018 Asian Games gold medalist Margielyn Didal nang ipamalas nito ang lupit sa women’s game of S.K.A.T.E at women’s street skateboarding.
Naghatid pa ng apat na ginto sina Jaime De Lange at Christiana Nicole Means sa men’s at women’s Game of S.K.A.T.E , Jaime de Lange sa men’s Downhill at Jericho Jojit Franciso Jr. sa men’s Park Skate.
Pumadyak naman ng tatlong gold, apat na silver at apat na broze ang pinoy cyclist sa Tagaytay City na pina-ngunahan ni 2017 Asian MTB silver medalist John Derrick Farr at 2017 Asian MTB gold medalist Lea Denise Belgira sa men’s at women’s Mountain Bike Dowhill.
Nagbigay pa ng isang ginto si Jermyn Prado, gold medalist ng 2019 National Championship Road, sa women’s road event individual time trial.
Nagtipak ng kabuuang dalawang ginto, tatlong pilak at tatlong tanso ang mga pinoy surfers sa San Juan, La Union sa pangunguna ng tinaguriang Pinoy surfer hero na si Roger Casugay na nagbigay pa ng mas malaking karangalan nang saklolohan ang Indonesian surfer mula sa naglalakihang alon sa kalagitnaan ng kanilang laban.
Bukod kay Casugay, nakabingwit din ng ginto si Nilbie Blancada sa women’s shortboard open.
May isang silver at isang broze ang polo team sa state of the art Miguel Romero Polo Field sa Calatagan, Batangas; isang silver sa Indoor Hockey sa Centro Mall sa Los Baños, Laguna kung saan idinaos din ang under water hockey na may tatlong silver at isang bronze.
- Latest