Philippine men’s volleyball sasabak sa Cambodia
MANILA, Philippines — Sisimulan ng men’s volleyball team ang kampanya nito sa pagharap sa Cambodia sa pagsisimula ng 2019 Southeast Asian Games indoor volleyball competitions ngayong araw sa Philsports Arena sa Pasig City.
Magtatagpo ang Pilipinas at Cambodia sa alas-6 ng gabi habang masisilayan din ang duwelo ng Singapore at Thailand sa ala-una ng hapon at Vietnam at Indonesia sa alas-3:30.
Nasa Pool B ang Pilipinas at Cambodia kasama ang Vietnam at Indonesia habang pasok sa Pool A ang Thailand, Singapore at Myanmar.
Ang dalawang mangungunang koponan sa bawat grupo ang papasok sa crossover semifinals.
Ipaparada ng Pilipinas ang pinaniniwalaang pinakamalakas na koponan na binuo sa men’s team.
Pangungunahan ni five-time UAAP MVP Marck Jesus Espejo ang kampanya ng Pilipinas kasama si dating National University standout Bryan Bagunas na naglalaro sa commercial league sa Japan.
Makakatuwang nina Espejo at Bagunas sina middle blockers Francis Saura, Kim Malabunga at Rex Intal, team captain Johnvic De Guzman at sina Ranran Abdilla, Jessie Lopez, Mark Gil Alfafara, Ish Polvorosa, Ricky Marcos at Joshua Umandal.
Aarangkada naman bukas ang women’s volleyball competitions kung saan unang makakalaban ng Pilipinas ang 2017 SEA Games silver medallist Vietnam sa alas-6 ng gabi.
Hindi gaya sa men’s volleyball na may group stage, isang round robin ang magiging format sa men’s category dahil tanging apat na koponan lamang ang kalahok.
Maliban sa Pilipinas at Vietnam, kasali rin ang 11-time champion Thailand at Indonesia.
Sunod na makakalaban ng Pilipinas ang Thailand sa Disyembre 5 at ang Indonesia sa Disyembre 7.
- Latest