Blaze Spikers hinataw ang semis slot
MANILA, Philippines — Limang sets ang ginapang ng Petron Blaze para nakawin ang ikalawang upuan sa knockout semifinals nang padapain ang Cignal HD, 25-11, 20-25, 25-22, 25-27, 16-14, sa 2019 Philippine Superliga (PSL) Invitationals kahapon sa Caloocan Sports Complex.
Nadagit din ng last year’s runner up ang pang-limang sunod nilang panalo para maagaw ang top spot ng Pool C bitbit ang 5-0 kartada.
Nag-init si UAAP Season 81 MVP Sisi Rondina para balikatin ang Blaze Spikers tungo sa panalo nang pumalo ng 33 points mula sa 29 attacks at 4 aces, habang tumipak ng 21 markers si Aiza Maizo-Pontillas.
Naramdaman din si Bernadeth Pons na nagtala ng 8 pointss, 19 digs at 8 receptions at si Angel Legacion ang nagmando sa plays ng Petron sa likod ng kanyang 19 excellent sets.
“Coming into this game, sabi nga namin, kailangan naming tanggalin ‘yung sumpa na iyon. Ang ginawa namin, hindi kami tumigil. Basta nasa taas ‘yung bola. Stick to the game plan kami. Hindi kami bumitaw,” wika ni Rondina.
Tangan ang kumpiyansa matapos kunin ang 2-1 set advantage, umalagwa kaagad ang Blaze Spikers sa fourth set at mabilisang dinala sa 24-17 ang laro .
Pero nanggulat ang HD Spikers at ipinoste ang 8-1-atake para itabla ang laban sa 25 at maipuwersa ang decider sa down the line hit ni Jovelyn Gonzaga.
Unti-unting kinontrol ng Cignal ang fifth at agarang nabitbit ang 9-5 kalamangan.
Ngunit kaagad ding sumagot ang Petron at dinala ito sa 13-all sa tulong ni Rondina hanggang sa tuluyan nilang angkinin ang laro dahil sa magkasunod na error nina Rachel Ann Daquis at Alohi-Robins-Hardy.
Nagtapos na may 20 points si national team member Mylene Paat para sa HD Spikers.
- Latest