Sumisip-St. Clare vs Marinero
MANILA, Philippines — Magbubuhol ang paboritong Marinerong Pilipino at underdog na BRT Sumisip-Basilan St. Clare ngayon sa inaabangang Game 1 ng kanilang 2019 PBA D-League Foundation Cup best-of-three Finals series sa Ynares Sports Arena sa Pasig.
Itataya ng Skippers sa alas-3:30 ng hapong sagupaan ang kanilang malinis na kartada simula pa noong elimination round upang makalapit ng isang hakbang mula sa asam na unang PBA D-League championship.
Sa pangunguna ng MVP top candidate at ex-PBAer na si Eloy Poligrates, winalis ng Marinero ang lahat ng humarang sa daan nito patungo sa Finals kabilang na ang TIP sa semifinals, 2-0.
Dahil dito ay nakasampa sa championship ang Skippers sa unang pagkakataon simula nang sumali sa D-League noong 2017 na nais nilang lubusin tungo sa titulo, ayon kay coach Yong Garcia.
“We’re happy na nasa Finals kami pero mas masaya kung makuha namin yung championship,” ani Garcia.
Aatasan ni Garcia ang iba pang ex-pros na sina Dan Sara at Mark Yee gayundin ang mga amateur standouts na sina JR Alabanza, Allan Mangahas, Byron Villarias, Jhonard Clarito, Santi Santillan at Rian Ayonayon na suportahan si Poligrates sa tangka nilang 1-0 abante.
Ang all-star line-up na ito ng Marinero ang dahilan kaya’t maituturing na heavy underdog ang St. Clare sa race-to-two titular duel ayon naman kay Saints mentor Stevenson Tiu.
“Obviously, underdog kami. Pero gutom itong mga bata, I just told them na it’s your time to shine,” aniya sa hangarin nilang masilat ang Marinero sa Game 1.
Kumpara sa beteranong line-up ng Skippers, batang collegiate team ng St. Clare ang core ni Tiu na sinamahan lang ng ibang amateurs na sina Hesed Gabo at Alfred Batino.
Sa kabila nito, makiki-pagdikdikan sa laban ang St. Clare lalo’t hangad din nila ang unang D-League crown.
- Latest