67pts. hinataw ni Poligrates
MANILA, Philippines — Nagtala ng bagong scoring record si Eloy Poligrates upang buhatin sa dominanteng 141-97 panalo ang Marinerong Pilipino kontra sa iWalk sa pagpapatuloy ng 2019 PBA D-League Foundation Cup sa Filoil Flying V Centre sa San Juan.
Kumamada ng 67 puntos sa 11 na tres si Poligrates sahog pa ang limang assists at dalawang rebounds sa 44-point win ng malinis na Skippers na umangat sa 5-0 baraha sa Group A
Bunsod nito ay sigurado na sa Top Two finish sa Group A ang Marinero para sa twice-to-beat advantage sa paparating na playoffs.
“Nakita namin ‘yung score ni Poli, sabi namin kayang abutan ‘yung record ni James (Martinez). Binigyan namin siya ng chance na habulin at sobrang ganda ng laro niya. Sobrang ganda ng gising ni Poli,” ani head coach Yong Garcia kay Poligrates na nagpakawala agad ng 15puntos sa first quarter. “ Ma-laking tulong ito para sa amin, especially malapit na ang next round.”
Binura ni Poligrates ang dating record na 58 puntos ni Martinez noong 2016 sa 125-76 panalo ng AMA kontra sa Topstar ZC Mindanao.
Sa kabilang banda, nalasap ng Chargers ang ikalawa nitong sunod na kabiguan upang mahulog sa 2-3 kartada sa Group A kahit pa nagtala ng 23 puntos at 10 rebounds si Wowie Escosio.
Tinalo naman ng BRT Sumisip Ba-silan-St. Clare ang McDavid-La Salle Araneta, 112-100 upang makasiguro ng puwesto sa playoffs ng 2019 PBA Developmental League Foundation Cup kahapon sa Filoil Flying V Centre sa San Juan.
Namuno sa tagumpay ng Saints si Joshua Fontanilla na kumana ng 24 puntos sa tatlong tres sahog pa ang anim na assists at talong steals.
Double-double na 13 puntos at 17 rebounds naman ang hinakot ni Malian big man Mohammad Pare. May 14 markers si Irven Palencia, tig-12 naman sina Junjie Hallare at Clarence Tiquia.
- Latest