Helterbrand maglalaro para sa Imus Bandera
MANILA, Philippines – Magbabalik sa hardcourt ang dating Barangay Ginebra point guard na si Jayjay Helterbrand matapos pumayag na maging pinakabagong miyembro ng Imus Bandera sa paparating na Season 3 ng Maharlika Pilipinas Basketball League.
Mismong ang 43-anyos na si Heltebrand ang nagkumpirma sa naturang ulat matapos ang opisyal na anunsyo sa kanyang social media account na @jayhelterbrand.
“It’s official,” pahayag ni Helterbrand. “I feel excited to be lacing it up again competitively and to be doing what I love.”
Dalawang taon nang retirado sa competitive pro-basketball si Heltebrand na huling naglaro noong 2016 matapos magkampeon ng Gin Kings sa PBA Governors’ Cup.
Matapos ito ay panay exhibition games na lang ang sinalihan ni Helterbrand kabilang ang PBA Legends ‘Return of the Rivals’ noong nakaraang Pebrero kung kailan siya hinirang na MVP para sa Ginebra legends kontra sa Purefoods greats.
Sa ngayon ay kasalukuyan pa ring naglalaro si Heltebrand sa Ginebra legends team na kasali sa four-team tournament na binansagang UNTV Cup PBA Legends Faceoff kasama rin ang Purefoods, Alaska at San Miguel.
Bagama’t may edad na ay sasandal ang Imus Bandera sa malawak na karanasan ni Helterbrand na 17 taon na naglaro sa PBA para lamang sa Ginebra, kinuha siya bilang direct hire noong 2000.
Anim na beses nagkampeon si Helterbrand sa PBA sahog pa ang prestihiyosong MVP award noong 2009, dalawang Best Player of the Conference awards at Finals MVP noong 2007.
Umaasa ang Imus Bandera sa mga parangal na ito ni Helterbrand na magiging alas niya para madala sa playoff campaign ang koponan.
Bumagsak sa pang-pitong puwesto ang Imus noong nakaraang MPBL season hawak ang 11-14 baraha bago natanggal sa quarterfinals ng South Division matapos ang 1-2 series loss kontra sa Season 1 champion na Batangas.
- Latest