Toronto hari ng Atlantic Division
TORONTO — Nagpasabog si Danny Green ng season-high na 29 points habang nagdagdag sina Kawhi Leonard at Serge Ibaka ng tig-15 markers para tulungan ang Raptors na sakmalin ang kanilang ikaanim na Atlantic Division title sa pamamagitan ng 121-109 paggupo sa Orlando Magic.
Nangangahulugan na magtatapos ang Toronto na hindi bababa sa second spot sa Eastern Conference.
Nag-ambag naman si center Marc Gasol ng 13 points kasunod ang 12 markers ni guard Kyle Lowry para tapusin ng Raptors ang kanilang two-game losing skid laban sa Magic.
Iniwanan ng Orlando ang Toronto sa bitbit na 11-point lead sa second period at naghulog ang host team ng 31-10 bomba bago ang halftime patungo sa pagtatala ng 24-point advantage sa second half.
Nagposte si Nikola Vucevic ng 13 points at 13 rebounds para sa Ma-gic, naisuko ang ikalawa sa huli nilang tatlong laro matapos maglista ng six-game winning run, kasunod ang 21 markers ni Evan Fournier.
Sa New York, kumolekta si Giannis Antetokounmpo ng 28 points at 11 rebounds sa pagbabalik niya mula sa ankle injury para tulungan ang Milwaukee Bucks sa 131-121 paggiba sa Brooklyn Nets.
Umiskor si Eric Bledsoe ng 29 points habang may 22 markers si reserve guard George Hill kasunod ang tig-14 nina Brook Lopez at Sterling Brown para sa Bucks.
Binanderahan ni D’Angelo Russell ang Nets sa kanyang 28 points at 10 rebounds.
Sa Salt Lake City, kumamada si Donovan Mitchell ng 23 points, samantalang nagsumite si Rudy Gobert ng 18 points at 18 rebounds para pa-ngunahan ang Utah Jazz sa 111-102 pagdaig sa Charlotte Hornets.
- Latest