Beermen, Gin Kings puntirya ang semis
MANILA, Philippines — Pupuntirya ang San Miguel Beer at Barangay Ginebra ng diretsong tagay pa-Final Four kontra sa reigning champion Meralco at Converge sa 2025 PBA Philippine Cup quarterfinals ngayon sa Ninoy Aquino Stadium sa Maynila.
Parehong armado ng twice-to-beat incentives ang No.1 na Beermen at No. 4 na Gin Kings kaya kailangan lang ng isang panalo upang makapagtakda na agad ng duwelo sa best-of-seven finals.
Unang susubok dito ang Beermen sa rematch nila kontra sa No. 8 na Bolts sa alas-5 ng hapon bago ang sagupaan ng Gin Kings at No. 5 na FiberXers sa alas-7:30 ng gabi.
Matatandaang noong nakaraang season ay yumukod ang SMB sa Meralco sa finals, 4-2, kaya siguradong gigil makabawi ngayon kahit sa quarterfinals palang.
Upang magawa ito ay sasandal si coach Leo Austria kina 8-time PBA MVP June Mar Fajardo, CJ Perez, Don Trollano, Jericho Cruz, Mo Tautuaa, Juami Tiongson, Chris Ross at Marcio Lassiter.
Subalit hindi iyon magiging madali dahil determinado ang Bolts na mapanatili ang mastery nito sa Beermen sa kabila ng twice-to-win disadvantage.
“We’re ready,” ani Meralco head coach Luigi Trillo na aasa naman kina Chris Newsome, Cliff Hodge, Chris Banchero, Raymond Almazan, Bong Quinto, Aaron Black at Brandon Bates na kagagaling lang sa quarterfinal finish bilang kinatawan ng PBA sa Basketball Champions League (BCL) Asia.
Determinado naman ang Gin Kings na hindi na bigyan ng kahit katiting na pag-asa ang FiberXers sa isang subok lang lalo’t hindi ito nagawa ng ibang top-seeds na No. 2 NLEX at No. 3 Magnolia.
Dinaig ng No. 7 na Rain or Shine ang NLEX, 92-89, habang naka-eskapo rin ang No. 6 na Talk ‘N Text kontra sa Magnolia, 89-88, para makapuwersa rin ng Game 2 sa kabilang quarterfinal pairing.
- Latest