Quezon City vs San Juan sa North semifinals
MANILA, Philippines — Kinumpleto ng Quezon City at San Juan ang pagwalis sa kanilang mga karibal sa quarterfinals para ayusin ang Final Four showdown nila sa Northern Division ng 2019 MPBL Datu Cup sa Filoil Flying V Center sa San Juan.
Sumandal ang Capitals sa kabayanihan ni Andoy Estrella, humugot ng 15 sa kanyang 19 points sa fourth period para angkinin ang 77-74 panalo laban sa Makati Super Crunch patungo sa semifinal round ng torneo.
May ranggong No. 7 sa playoffs, ang Quezon City ang unang koponang umabante sa semifinals ng Northern Division kung saan makakasagupa nila ang Knights, nagtala ng 75-69 tagumpay laban sa Navotas Clutch.
Tinapos ng Capitals ang 15-game winning streak ng Super Crunch para wakasan ang kanilang quarterfinals series.
Ginamit ng Quezon City ang kanilang small ball line up para gulatin ang Makati, tinapatan ang nasabing roster ng Capitals.
Ang triple ni Estrella sa 2:38 minuto ng fourth quarter ang nagbigay sa Quezon City ng 71-61 kalamangan at tuluyan nang sinibak ang Makati.
Nanatili naman sa kanilang porma ang San Juan sa kabila ng ilang beses na paglapit ng Navotas.
Nagkaroon ng tsansa ang Clutch na makadikit sa Knights nang makaagaw ng bola si Donald Gumaru, ngunit nakagawa ng turnover ang two-way guard mula sa kanyang bad pass kay Samboy de Leon.
Sinelyuhan ni John Wilson ang panalo ng San Juan matapos isalpak ang dalawang free throws sa nalalabing 33 segundo.
- Latest